LAOAG CITY — Labingtatlong pamilya ang pilit na inilikas ng Laoag City Disaster Coordinating Council mula sa Barangay 7-A ng lunsod na ito dahil sa pagbaha matapos umapaw ang tubig-ilog dito.
Nagtulung-tulong ang mga opisyal dito upang mailikas ang mga apektadong pamilya matapos umabot sa lampas-ulo ang lalim ng tubig sa naturang lugar.
Gumamit pa ang mga miyembro ng CDCC ng speed boat upang ilikas ang mga apektadong pamilya.
Samantala, ilang pangunahing lansangan sa lalawigan ang hindi na maaring daanan dahil sa mataas na tubig dulot pa rin ng bagyong Helen.
Nagkaroon din ng bahagyang landslide sa bayan ngunit wala namang naiulat na nasaktan.
Sa Sinait, Ilocos Sur, nangangamba ang mga motorista at mga residenteng malapit sa Poblacion dito dahil sa umanoy posibleng pagbagsak ng ginagamit na detour o tulay dito.
Ito”y dahil sa walang humpay na pag-ulan mula pa kamakalawa ng hapon.