BAGUIO CITY — Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang mga awtoridad dito hinggil sa pagpapasabog ng isang granada sa loob ng isang billiard hall sa Block 4, Hilltop Market sa lungsod na ito kamakalawa ng gabi na ikinasawi ng isa katao at pagkasugat ng labing-anim na iba pa.
Kinilala ni SPO1 Viernico Tiwtiwen, imbestigador sa nasabing pagsabog, ang nasawi na si Onyor Desair, 28, mula sa lalawigan ng Pangasinan, habang malubha naman ang kalagayan ng dalawang iba pa na sina Aaron Pasiwen, 38, at Elmer Pacdoy na ginagamot ngayon sa Baguio General Hospital.
Batay sa imbestigasyon ng mga awtoridad, inihagis ng isang nakasuot ng puting T-shirt na lalaki ang granada sa mismong ibabaw ng billiard table kung saan marami ang nanonood dito.
Posible umanong natalo sa pustahan ang suspek at dahil sa kantiyaw ay napuno ito at naghagis na ng granada sa gitna ng kainitan ng laro ng mga nagbibilyar.